Nung bata pa ako, ang lansangan ang aking paraiso. Sa kalye ako nadapa, nasugatan at nagka-peklat na hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa unat ko nang balat. Sa kalye ako natutong makihalubilo sa kapwa, makipag-away, makipag-bati, tumawa at umiyak. Nalilipasan ako ng uhaw at gutom sa kalalaro ng piko, patintero, tumbang preso, luksong tinik, luksong kalabaw at chinese garter.
Walang lalaki, walang babae sa larong kalye. Kapag lampa, siguradong balagoong. Uso ang pikon, pero madali rin namang nagkakabati. Amoy-araw, amoy pawis, amoy lupa akong uuwi pagkatapos ng maghapong paglalaro. Pero ang saya. Sobrang saya.
Ngayon, hindi mo na basta-basta maiwanan ang mga bata sa kalsada para maglaro. Kahit hawak mo sa kamay, mayroon pa ring biglang hahablot sa kanila para tangayin sa kung saang lugar. Hindi ko na sasabihin kung ano ang kinahihinatnan ng mga kinukuhang bata. Hindi ko kaya.
Kaya eto, napipilitan tayong payagan silang maglaro ng kung anu-anong gadgets sa loob ng bahay kahit na may panganib ding nag-aabang na sirain ang kanilang kamusmusan sa internet. Babad sa kakapanood ng telebisyon. Nakakaawa din naman kasing puro na lang aral at homework.
Wala akong sariling anak, pero nagdaan din ako sa kamusmusan. Masayang kabataan. Kung maaari lang, dadalhin ko ang lahat ng bata ngayon sa panahong pwedeng lumayo sa bahay, tumakbo sa kabilang barangay, mamitas ng bunga ng puno ng mangga at aratiles, tumawa at humalakhak na parang walang bukas. Pero hindi. Makikipaglaro na lang ako sa kanila dito…hanggang kaya ng buto ko.
nakakamiss ang nakalipas na panahon ng ating kabataan 🙂
LikeLike