Para akong nilalamon ng
bagyo nitong mga nakaraang lingo. Pakiwari ko, hinihigop ako ng ipo-ipo.
Nakakahilo. Nakakasuka. Nakakasira ng ulo.
Mabuti pa yung iba, nakahinga na nang maluwag. Nabunutan ng
napakalaking tinik na dalawang taon ding nakabaon. Ako, eto. Naghihintay at
umaasang dumating yung oras ko. Medyo mahaba at mas malalim ang tinik na
kailangan kong bunutin. Sa sobrang tagal kong dinala ang tinik na to, dumikit
na sya sa laman at buto ko. Dumating pa nga yung panahong nakalimutan kong
nandun sya at nakabaon. Ngayon, para na syang kanser na mahirap hanapan ng
lunas. Lintek.
Sinubukan kong maging manhid para di ko maramdaman.
Nag-duktor-duktoran ako sa ibang meron ding tinik na kanser. Ayun, yung iba nga nakaraos na. Buti pa sila.
Tinanong ako nung isa kanina, “Miss Carms, pano kung taasan nila? Aalis ka pa rin ba?”. Napabuntung-hininga ako. Hindi lang kasi yun e. Hindi ko alam kung nakuha ba nila yung punto ng mga nangyayari at mangyayari pa. Nasabi ko na ang lahat ng kailangang sabihin. Ngayon, gagawin ko ang dapat kong gawin. Pinauna ko lang ang dapat mauna.
Sana mahanap ko na ang gamot na hihila sa tinik na kanser na dinadala ko. Kumakalat na e. Pati mga kaibigan ko nadadamay sa gulo ng utak ko. Ayokong umabot pa to sa pamilya ko.
Pero habang nandito ako, habang wala pa yang gamot na yan, titiisin ko muna ang hapdi ng kanser na ito. Trabaho lang, walang hawaan.